Huwebes, Disyembre 5, 2013

sikat,tanyag,popular



Celebrity…iinterbyuhin? Sino kaya sa mga paborito kong artista ang masarap makausap at pagbibigyan ako na makausap sila?

Ang hirap naman nito? Ito na ang pinaka-challenging sa lahat ng pinagawa sa amin ni Sir Rowie. Lahat na ng kakilala ko ay tinanong ko na kung sino ang pwede at madali kong maiinterbyu. Ang agad na pumasok sa isip ko ay ang mag-asawang Ms. Shiela Israel at Congressman Dan Fernandez. Kaya naman tinanong ko na agad ang kanilang anak na babae na estudyante ko kung maaari akong makisingit sa hectic nilang skedyul. Ngunit sa pagkakakuwento palang sa akin ay sadyang abala si Congressman lalo pa’t panahon ng eleksyon noon sa barangay. May iniindorso kasi siyang kandidato sa aming barangay. Ang sumunod naman ay si Charice Pempengco. Sapagkat ang isa ko pang naging estudyante ay pinsan niya. Ngunit ayon sa kanya ay wala silang komunikasyon ngayon ni Charice sapagkat marami itong proyekto ngayon. Di naman ako nawalan ng pag-asa sapagkat ang isa ko pang estudyante ay malapit din kay Charice sapagkat sa kanilang bahay pala ngayon nakatira ang singer na ito kaya pwede raw niya akong tulungan sa bagay na ito. Akala ko okay na. Naghanda na ako ng mga katanungan ngunit sinabihan na lamang niya ako na talagang superbusy ang singer natin kaya talagang wala akong pag-asa na makaharap ko siya. Lumapit naman ako sa aking pamangkin na idol na idol si Yeng Constantino na kung wala lang maayos at pagpapahalaga sa trabaho ay tiyak na tagasunod sa lahat ng raket ni Yeng. Tinawagan niya ang kanyang kakilala na isa sa mga officers ng isang fans club ni Yeng. Sa kasamaang palad rejected na naman ako. Nasa ibang bansa pala noon si Yeng.

Dito na ako natengga…kinabahan…natakot hanggang sa isang araw sa aking pag-uwi sa Lucban, Quezon noong Todos los Santos, naalala ko ang isang kababayan na sadya namang nakikilala na ngayon at laging nakikita sa ABS-CBS tuwing Linggo ng umaga. Siya ang pari sa Healing Eucharist. YES!!! Si Fr. Joey Faller. 


At di naman ako nabigo. Sa tulong ng aking ina na nakipag-usap sa sekretarya ni Fr. Joey ay nabigyan ako ng pagkakataon na makausap siya. Salamat sa Diyos.
Konting oras din lang ang inilaan ko para makausap si Fr. Joey sapagkat alam kong pinagbigyan lamang ako na makaharap siya. Ngunit kahit maikli lamang ang oras na iyon ay naging sulit naman at sapat na upang malaman ko ang mga mahahalagang bagay tungkol sa kanya.

Ito ang ilang katanungan ko sa kanya:
1.      Kailan at paano n’yo po nalaman na kayo’y instrumento sa pagpapagaling sa mga may karamdaman?
2.      Ano-ano ang nagbigay sa inyo ng inspirasyon upang ipagpatuloy ang ganitong gawain?
3.      Ano po ang nagbunsod sa inyo para ipatayo ang Kamay ni Hesus
4.      Maiituring n’yo po ba na isa na kayo sa mga sikat na pari?
Iisa lamang ang kasagutan niya para sa mga katanungang ito. Ayon sa kanya, dahil sa mga tao kaya ipinagpapatuloy niya ang ganitong gawain. Sila ang nagpapatotoo sa mga bagay / pangyayari, mga pagbabago na kanilang nararansan pagkatapos dumalo sa mga healing masses ni Fr. Joey.” It is more on service, giving of yourself to others” sabi niya.
Dalawampung taon na raw ang nakalipas nang magkaroon siya ng pangitain mula sa Panginoon kaya naman ginagawa niya ang bagay na ito. At ang pagpapatayo ng Kamay ni Hesus ay isang pagtupad sa kanyang vision at dahil na rin sa dumadagsang taong pumupunta sa kanya. Dinarayo ito ng mga tao na mula pa sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at ang iba pa ay mga dayuhan. Dinarayo ang lugar na ito,dala ang paniniwala at pananampalataya na gagaling sila.
Hindi raw siya sikat. At balewala sa kanya ang salitang ito. Ang gusto lamang niya ay ibahagi ang kanyang mission, ang pagtulong, magpagaling ng kapwa sa kanilang mga karamdaman na may patnubay mula sa Panginoon. Para sa kanya ang mga sikat ay para lamang sa mga artista, sa mga napapanood sa telebisyon, sa pelikula. Pinagkakaguluhan ng mga fans. Sa aking pakiwari nakikilala siya dahil sa mga pagkilala at kinikilala ng mga tao ang pagiging isang instrumento ng Panginoon na magpagaling sa mga may karamdaman.
Natapos ang aming pag-uusap sa kanyang pagtatanong tungkol sa gaano kahirap mag-aral sa La Salle. Dito ko napagtanto na sa kabila ng kanyang kaabalahan bilang pari ay may kagustuhan pa siyang matuto. Parang nagsasabi na isang normal na tao pa rin siya sa kabila ng di maiitangging siya’y popular na lalo’t higit sa mga taong kanyang napagaling sa tulong syempre ng ating Panginoon. Sa kanyang katanungang mahirap bang makapasok at makapag-aral sa La Salle, ang tanging sagot ko lamang ay sa lahat ng eskwelahan ay may mahihirap na gawain, di ito maiiwasan ngunit gumagaan dahil sa mga propesor na marunong umunawa sa mga kakulangan ng kanyang mga mag-aaral.

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

like na...!



Sa bawat pagtitiyaga, may nilaga.

Akala ko madali lang. akala ko magagawa ko agad. Akala ko marami agad ang magli-like kasi marami naman akong kaibigan, kamag-anak, kakilala at higit sa lahat marami akong estudyante mula pa noong nagsimula ako ng pagtuturo na kaibigan ko na rin sa facebook. Di pala ganoon kadali. Mahirap din pala. at nakakainip ang maghintay kung sino at ilan na ang nag-like sa ipinost ko.
Hay, ganito pala ang feeling. Excited ako sa tuwing magbubukas ng fb kasi ang una ko agad tinitingnan ay ilan na ang nag-like sa status ko. Nakakatuwa kapag sa isang pag-open ko ng fb e mahigit sa 40 agad ang nag-like pero ang nakakainis dito e habang tumatagal e tumutumal ang bilang ng mga taong nagkakagusto sa status ko. Bakit ganon?

Ngunit sa ganitong pagkakataon, aking napagtanto na sadyang ganito ang buhay. Hindi lahat ng bagay ay madali kahit na sa akala mo ay madali lang ito.Ang lahat ng bagay ay pinaghihirapan huwag agad panghihinaan ng loob sapagkat kapag nagpatalo ka dito, di mo makukuha ang nais mo. kaya naman patuloy pa rin ako sa aking paghihintay.

Naalala ko tuloy noong  di pa kami binibiyayaan ng anak. Siyam na taon na ang lumipas bago kami nabiyayaan. Ganito rin ang pakiramdam. Naiinip di lamang kaming mag-asawa kundi pati na rin ang aming mga kamag-anak, kaibigan at mga kakilala. Ngunit nang magantimpalaan kami ng Poong Maawain ng isang supling ay di magkamayaw ang lahat sa pagbati . Kung uso lang noon ang fb
panigurado ako na magiging viral ang status ko.
At di nga nagtagal ang aking paghihintay ay nagbunga rin ng maganda.Nakakuha rin ako ng higit sa
200 likes. Walang pagsidlan ang aking katuwaan, para akong nanalo sa lotto. hahahha nakakatuwa talaga pag nakuha mo ang gusto mo. At ang nasabi ko na lamang ay " Yes! may pang- blog na ako!"


Isang simpleng status lang naman ang aking ginamit. Dahil sa inspirado ako sa performance ng aking anak ay pinost ko ang kanyang class standing. Sino nga bang magulang ang di matutuwa sa ganda at galing ng isang anak? Alam kong nasa Nursery pa  lamang siya at marami pa talagang pagdadaanan upang masabing talagang siya'y isang batang matalino.Sadyang masayang-masaya ako para dito kaya naman ito ang nai-post ko para malaman ng lahat kung gaano ako kasaya na sa paghihirap naming ito ay may magandang sukli ang aking panganay sa kanyang munting kakayahan.

Isa na namang malaking hamon ang aking napagtagumpayan. Syempre sa tulong ninyong lahat na walang sawang sumusuporta sa akin. Maraming -maraming salamat po!

telebisyon...artista...isang programa



Bata pa ako, telebisyon na ang aking kasa-kasama. Namulat ako sa mga panooring nakakaiyak tulad ng Flor de Luna at Gulong ng Palad. Mga aksyon na sadya namang lahat na ata ng pelikula ni Fernando Poe ay napanood ko na lalo na ang Panday series.  Sino ba naman ang di palalampasing panoorin at subaybayan ang matinding salpukan ng Crispa at Toyota? Masasabi ko ring batang Eat Bulaga ako dahil noong nasa channel 9 at 13 sila ay pinanonood ko na ito at hanggang ngayon ay Eat Bulaga fan pa rin ako. Sa mga panooring ito, hindi halata kung ilang taon na ako.
 Mga taon na sadya namang di ko pinalilipas ang bawat sandali na di buksan ang aming telebisyon kahit black and white pa lamang ang kulay ng tv noon at nakikipanood lamang sa bahay ng lolo kong kapatid ng aking lola. antenna pa ang ginagamit para lamang makakuha o makasagap ng magandang reception ang aming tv. Grade six na ata ako nang magkaroon ng iba’t ibang kulay ang aming tv ngunit di pa uso ang remote control noon kaya de pihit pa ang paglilipat ng channel. Hanggang channel 13 nga lang ang istasyon ng tv noon, ngunit ngayon magsasawa ka dahil sa sangkatutak ang pagpipilian mong istasyon para sa mga paborito mong panoorin.
Telebisyon… akala ko hanggang sa telebisyon lamang ako makakapanood ng mga paborito kong programa  at mapanood ang mga paborito kong artista, ngunit hindi pala. Dahil sa isa kong subject sa aking graduate studies, ang Kulturang Popular, nagkaroon ako ng pagkakataon na makapanood ng isang live show. Salamat sa aking pinsan na si Ate Peewee na nabigyan kami ng tickets para makapanood. Kahit biglaan ang bagay na ito ay nabigyan pa kami ng pagkakataon na maikuha ng tiket. 

September 29, 2013, maaga pa lamang ay nakasakay na kami ng bus papuntang GMA 7. Kailangan daw bago mag-10AM ay nakapila na kami sapagkat marami na rin ang nakapila doon. Kaya naman nag-take out na lang kami ng isang value meal para di mahuli sa pagpila. Nang marating namin ang GMA 7…naku! Ang haba na ng pila. Ganon pala ….ganito sila tuwing Linggo lalo na kung ang paborito nilang artista ay mapapanood o lalabas sa programa. Sa kahabaan ng pila, nakahanay namin ang mga fans nina Marianne Rivera, Christian Bautista at yung anak ni Alma Moreno at Joey de Leon. Mga excited silang panoorin at makita ang kanilang mga idolo e linggo-linggo naman pala e nandon sila. Grabe talaga ang hatak sa kanila ng mga artistang ito. Ang ilan sa kanila ay may dalang magazine na kung saan ay nandodoon ang kanilang idol, may poster at tarpaulin na ibabandera daw nila kapag ang idol na nila ang nasa stage. Kakaiba talaga ang mga followers na ito. Kahit saan daw pumunta ang kanilang mga idol ay kasunod rin sila. Sa haba ng pila, salamat na lamang at pinapasok na rin kami. Nauna pa kami sa ibang nasa unahan ng pila sapagkat kami raw ay mga bisita. Ako na ang may pinsan na taga- Rebisco kaya naman nabigyan kami ng maayos na puwesto. Nakakahiya man sa mga nasa unahan ng pila e sadyang ganon pala talaga ang kalakaran.
 
Sunday All Stars ang aming pinanood. Naabutan pa namin ang mga artista na nagre-rehearsal para sa kanilang mga showdown. May mga oryentasyon pang naganap. Kung kailan papalakpak, sisigaw at pwede rin daw sumayaw para maipokus sa kamera at para makita ang sarili sa telebisyon. Sa madaling salita “Bawal daw ang nakasimangot kung gusto mong makita ka sa tv”..
Masaya naman ang buong palabas ngunit mahirap nga palang manood kung hindi mo gaanong kilala ang mga nagsisiganap. Kailangan ko pang tanungin ang kapatid ko at ang aking pamangkin kung sino-sino yung mga nasa entablado. Magaganda sila, ang liliit ng katawan. Di uso ang matataba. Walang puwang ang isang katulad ko sa hanay ng mga artistang nandodoon maliban na lamang kung ang gagampanan ko ay isang tsismosang kapitbahay, kasambahay o pang-comedy lang talaga.

Sila ang simbolo ng kagandahan…ng isang kariktan kaya naman kapag sila na ang nag-advertise ng isang produkto ay tiyak namang patok sa masa at kikita nang malaki ang prodyuser. Sila ang nagse-set o nagdidikta ng istandard /pamantayan kung ano ang maganda at pangit, ng magara at baduy, ng katanggap-tanggap at kainis-inis.
 
Telebisyon, programa, artista. Sila ang ating kasama mula umaga hanggang sa mawalan tayo ng lakas sa gabi. Mga panooring nagpapalibang, nagbibigay-aral, nagbibigay- impormasyon, nagpapasaya, nagpapalungkot, nagbibigay-takot….at higit sa lahat nagbibigay-sigla sa buhay ng bawat isa.

Martes, Disyembre 3, 2013

Rally....sa Unang Pakakataon


       Sasama ka ba?
       Saan?
       Sa isang kilusang protesta?
       Ha? Bakit?
       Aktibista ka na ba?
       Sadya nga bang ang mga nagsisipunta sa rally ay tunay na mga aktibista na nagnanais na makiisa sa isang makabayang damdamin o mga nakikiusyo lamang upang masaksihan ang mga gawain at layunin ng mga taong nagtitipon- tipon sa iisang lugar?
        Ito ang mga katanungang naglalaro sa aking isipan habang naroon ako sa Luneta. Hindi upang makisigaw, makipalakpak at makikanta sa kanilang mga himig. Naroon ako bilang pagtupad at pagsasagawa sa isa sa aming mga gawain sa Graduate School. Isa akong mag- aaral na tumutupad sa aking tungkulin bilang isang estudyanteng nagnanais ng isang maganda at maayos na marka mula sa aming guro.
        Pagkarating namin sa itinakdang lugar na pagdadausan ng rally, pagkatapos ng isang mahabang lakaran, dumampi sa akin ang isang malamig na hangin, kapansin- pansin ang maitim kalangitan na nagbabadya ng matinding pagbuhos ng ulan. Marami- raming tao na ang naroroon. Nagsama- sama sila na para bang nagtsetsek attendance ang gurong may hawak ng mikropono sa ibabaw ng entablado. Ganon pala sila, tulad din ng mga estudyante sa loob ng silid- aralan.
         Sa aking paglalakad, di ko namalayan na nasa gitna na pala ako ng mga nagra- rally. Inihanda ko na ang aking kamera upang magbigay- patunay sa aking mga nakita at nasaksihan. Handa na ako upang magmasid sa ganitong kakaibang gawain para sa akin. Kapansin- pansin at di mawawala sa ganitong eksena ang mga taong may hawak ng kanilang mga bandila, mga plakard, tarpaulin na napapahayag ng kanilang mga nais sabihin o mensahe para sa gobyerno. Para bang nagsasabi na sa kanilang mumunting titik at mumunting tinig na pinagsamasa- sama ay dadagundong upang mayanig ang ating gobyerno na mayroong hindi tama o sinasabi ngang katiwalian ng mga namamahala o mga nasa posisyon na dapat nang mabigyan ng pansin at aksyon upang ang paghihirap ng isang Juan de la Cruz ay maibsan na at mapalitan ng kaginhawahan.
          Ang mahangin at makulimlim na panahon ay pinainit ng mga matitinding pahayag at mga awitin ng mga taong nagsipagsalita sa unahan... sa ibabaw ng entablado. nagpalakpakan sila, nagtatawanan, walang natitinag sa pagkakatayo o maging sa kanilang mga pwesto kahit pumatak na ang ikinatatakot kong ulan. Ang mabasa sa kanila ay isang karangalan, tanda ng pakikiisa sa iisang layuin... ang alisin na ang kontrobersyal na pork barrel.
          Sa bawat nababasa, sa bawat nakikita, sa aking mga naririnig... tumimo sa aking isipan na teka...dapat ko munang itigil ang pagkuha ng mga larawan. Seryosohin ko ang pakikinig, makiisa sa kanilang mga hinaing sapagkat apektado rin ako ng ganitong katiwalian ng mga inihalal natin na di mo aakalaing matapos mong iluklok ay magpapayaman lamang pala sa kaban ng yaman na sa bawat sentimong ikinakaltas sa ating sahod bilang buwis ay sila lamang ang nagpapakasasa o nagpapakasarap sa bawat butil ng ating paghihirap.
           Nasa gitna ako ngayon ng mga raliyista, hindi isang turista kundi isa na ring kasama at
dumadalangin na sana sa martsang ito, matapos na at mabigyan ng aksyon ang katiwaliang ito upang ang bawat Pilipino ay makaranas ng mga nararapat na benepisyo na nakalaan para lang sa mga Pilipino.
          Ang takot at pangamba sa una kong pagkakarinig na sasama kami sa isang kilos protesta ay napalitan ng damdaming di ko mawari sapagkat iba pala kapag nasa loob ka ng ganitong gawain. Hindi pala ito magulo, tulad ng una kong naisip. Di nga pala dapat matakot kung maayos namang ipinapahayag at hindi sa marahas na pamamaraan.

         Hindi ako aktibista pero nasa lugar ako ng pagtitipon....ng pagmamartsa. Hindi dahil sa naghahangad ng magandang marka kundi isa ako sa maraming saksi na naghahangad....umaasa ng kaayusan ng ating bayan. Isa ako sa libo- libong taong sumisigaw tulad sa mga nakatatak sa bawat t-shirt na aking kinunan ng mga larawan, sa bawat CDng ibinebenta ni manong pagkatapos niyang awitin ang mga patama sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan, sa mga bandila at tarpaulin na iwinawagayway na parang nagsasabing ihatid nawa ng dakilang hangin ang kanilang mga hangarin sa kataas- taasan upang ang mga nagsisikap na si Juan ay di na maghihirap at ang lahat ng taong sarap na sarap sa pagngasab ng mais na tinda ni manong, sa malamig na sabaw ng buko ay tuluyang makapatid ng uhaw ng kahirapan at ang paglasap ng mayelo- yelong ice cream ni kuya ay hindi matunaw tulad ng nag- aalab na puso ng lahat ng taong naroroon sa Luneta. Sana ang lahat ng hangarin, ang sigaw ng taong naroroon ay hindi mauwi sa wala na pagkatapos ng pagmamartsa ay uuwing luhaan bagkus ay tulad ng isang kampeon na matapos ang isang matinding kompetisyon ay may tropeong hawak-hawak at ang katuwaan ay wagas sa karangalang napagtagumpayan.
        Kaawaan nawa ng Poong Lumikha ang bansang Pilipinas! Amen.